ILOILO CITY – Siniguro ni Israeli Ambassador to the Philippines Rafael Harpaz na mas pagbubutihin at papalakasin pa ang relasyon ng Pilipinas at Israel.

Ito ay kasunod ng pagbisita ni Harpaz sa lungsod ng Iloilo kasama ang kanyang maybahay na si Mrs. Shulamit Harpaz.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Harpaz, sinabi nito na interesado ang Israel na makatulong sa pagpapaunlad sa ekonomiya ng Iloilo sa pamamagitan ng pagbibigay ng ayuda at pagpapadala ng maraming turista.

Maliban dito, bukas rin ayon kay Harpaz ang Israeli Government sa mga Filipino na nais makapunta o magtrabaho sa Israel.

Kasabay nito, inihayag rin ng Israeli official na hindi nito makakalimutan na isa ang kanilang bansa sa mga nagsagawa ng pinakamalaking relief operations sa kasagsagan ng Typhoon Yolanda sa Visayas noong 2013.