Nilinaw ng ruling party na PDP-Laban na hindi last minute decision ang pagpili nila kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa bilang kanilang standard bearer para sa halalan sa susunod na taon.
Ito ay kahit pa sinabi ni Dela Rosa sa ipinatawag niyang pulong balitaan na alas-3:00 ng hapon noong Oktubre 8 lang siya tinawagan ng kanilang partido para pumunta sa Harbor Garden Tent sa Sofitel Hotel compound sa Pasay City para maghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) para sa pagkapangulo sa 2022 polls.
Ayon kay PDP-Laban Secretary General Melvin Matibag, matagal nang kasama si Dela Rosa sa mga pangalan na pinagpipilian ng kanilang partido para maging kanilang kandidato sa pagkapangulo.
Magugunita na si Sen. Christopher “Bong” Go ang naunang inendorso ng PDP-Laban bilang kanilang standard bearer habang si Pangulong Rodrigo Duterte naman ang kanilang vice president.
Pero nagbago ito nang tumanggi si Pangulong Duterte na ituloy ang kanyang pagtakbo bilang bise presidente, na siyang dahilan para bumaba at kunin na lang ni Go ang posisyon na ito.
Dahil sa pagbabagong ito, sinabi ni Matibag na muling nabuhay ang mga pag-uusap sa loob ng kanilang partido sa kung sino ang ipapalit nila kay Go.
Sa katunayan, bukod kay Dela Rosa, sinabi ni Matibag na kinonsidera rin nilang patakbuhin sa pagkapangulo si Sen. Francis Tolentino dahil ang dalawa aniya ang nakikita nilang makapagpapatuloy sa mga nasimulang pagbabago ni Pangulong Duterte.
Sa huli, si Dela Rosa aniya ang kanilang napili bilang mayroon na rin naman itong karanasan sa executive department nang siya ay nagsilbing PNP chief.