-- Advertisements --

Nagpahayag ng pakikiisa si Pangulong Rodrigo Duterte sa paggunita ng Lenten Season ng mga Katoliko sa buong mundo.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pangulong Duterte na panahon ito para pagnilayan ang dakilang sakripisyo ni Hesukristo para sa kaligtasan ng sangkatauhan.

Ayon kay Pangulong Duterte, sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus sa krus, inaaalala natin ang matinding kapangyarihan ng pag-ibig at pakikisimpatiya para mabura ang masamang pagtrato sa kapwa, pagka-makasarili at galit.

Sadya umano itong oportunidad para sa taimtim na pagdarasal at repleksyon para masilayan at magkaroon ng panibagong pananaw sa tagumpay ng taos-pusong pagsasakripisyo.

Umaasa si Pangulong Duterte na magsilbing inspirasyon ang okasyon para sumulong na may pananampalataya at kapayapaan sa ating mga puso sa layuning magkaroon ng pangmatagalan at makabuluhang pagbabago sa ating lipunan.