CEBU CITY – Naging usap-usapan ngayon sa social media ang isang viral video ng limang senior high school students sa loob ng sasakyan sa Cebu City kung saan minomolestIya umano ang kasama nilang babae.

Unang na-upload ng isang estudyante sa kanyang social media at kalauna’y pinasa-pasa ito gamit ang isang messaging application at kumalat na ito sa internet.

Kung mailalarawan ang video scandal sa loob ng pribadong sasakyan, pinagtatawanan ng mga lalaki ang biktima kung saan makikitang wala itong malay, hinubaran at hinimas-himas ng isang lalaki ang dibdib ng babae na may kasamang pagmumura.

Kinondena naman ng isang malaking unibersidad sa Cebu City ang pagkalat ng naturang video matapos na kinumpirma ng principal nito na isa sa kanilang mga mag-aaral ang lalaking nasa video.

Samantala nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-7) tungkol sa naturang video ng mga estudyante.

Ayon sa deputy chief ng PNP-CIDG-7 na si Lt. Col. Hector Amancia, aalamin pa nila kung mga menor de edad ba ang involved sa naturang sex scandal.

Dagdag pa ni Amancia, maaaring maghain ng kaso ang ina ng babae sa video kung mapatunayang menor de edad ito.

Nakipag-ugnayan din ang CIDG sa opisina ng Women and Children’s Protection (WCPD) alinsunod sa naturang imbestigasyon.