Hindi minamasama ng Philippine National Police (PNP) ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipaubaya na lang sa National Buearu of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa pagpatay kay Clarin Mayor David Navarro.

Ayon kay PNP officer-in-charge P/Lt. Gen. Archie Gamboa, normal lang ang ginawa ng pangulo para masiguro ang isang “impartial investigation” at hindi ibig sabihin ay nawalan ng tiwala sa kanila si Pangulong Duterte.

Ito’y kahit sinabi ng Pangulo na baka PNP ang pumatay kay Navarro dahil nasa kustodiya nila ito nang barilin ng mga hindi kilalang salarin.

Nitong Biyernes, nakasakay si Mayor Navarro sa Mobile 14 ng Cebu City Provincial Office Station 2 na bumabagtas ng M. Velez St sa Cebu patungo sa District Attorney’s Office para sa inquest proceedings, nang tambangan.

Una nang inihayag ng Pangulo na posibleng mga pulis din ang responsable sa pananambang sa alkalde.