-- Advertisements --

Sinisiyasat ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng pagkukulang ng pamunuan ng Maguindanao del Sur Police matapos ang madugong pananambang sa bayan ng Shariff Aguak, kung saan limang pulis ang nasawi at tatlo ang nasugatan.

Tumuon ang anggulo ng imbestigasyon sa kung bakit tinanggal ang isang police detachment sa lugar ng insidente na inilarawan bilang madilim at isang blind corner, sa kabila ng pagiging malapit nito sa provincial police headquarters.

Sa isang press briefing sa Camp Crame nitong Lunes, kinumpirma ni PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño na inaalam na ng pamunuan kung may pananagutan si Col. Sultan Salman Sapal, ang hepe ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office.

Batay sa impormasyon mula kay PRO BARMM Director Brig. Gen. Jaysen de Guzman, dati nang may nakatalagang pwersa ng pulisya sa lugar ngunit inalis ito sa hindi malamang dahilan at oras.

Naganap ang pananambang noong gabi ng Sabado sa Barangay Mother Poblacion sa bayan ng Shariff Aguak.

Ang mga biktima, na pawang miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company, ay pauwi na sana mula sa kanilang patrol operations nang pagbabarilin ng aabot sa sampung armadong kalalakihan.

Ayon sa PRO BARMM, may mga nauna na ring ulat ng karahasan sa nasabing lugar.

Bilang suporta sa mga biktima, tiniyak ng pambansang pulisya na sasagutin nito ang mga hospital bills ng mga nasugatan, magpapaabot ng tulong pinansyal, at gagawaran ng posthumous awards ang mga pulis na nagbuwis ng buhay sa insidente.