(Update) Tuluyan nang binawian ng buhay ang isang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) na unang hinimatay lamang habang sumasailalim sa New Cadet Summer Training Program sa Camp Gen Mariano Castaneda, Silang, Cavite.

Nakilala ang biktima na si Cadet 4th Class Al Rasheed Pendatun Macadato, 21-anyos na tubong Kalilangan, Bukidnon.

Ayon kay Pol. Lt. Col. Byron Allatog, public information officer ng PNPA, unang nag-collapse si Cadet Macadato noong Martes bandang alas- 4:45 ng hapon habang sila ay tumatakbo.

Kaagad siyang dinala sa Academy Health Dispensary for Emergency bago inilipat sa Qualimed Hospital sa Santa Rosa, Laguna, at inilagay sa intensive care unit kinagabihan.

Gayunman, binawian ito ng buhay alas-6:00 kahapon ng umaga.

Samantala, heat stroke ang sinasabing dahilan ng pag-collapse ng biktima at hindi dahil sa hazing.

Si Cadet Macadato ay bahagi ng 285 na 4th Class Cadet na pumasok sa PNPA noon lamang May 1, 2019 at sila ay nasa ika-10 araw pa lang ng New Cadet Summer Training Program.

Sa ngayon, ang labi ni Cadet Macadato ay kinuha na ng kanyang mga kamag-anak kagabi.

Nangako naman si PNPA Director Pol. B/Gen. Jose Chiquito Malayo na kanilang tutulungan ang pamilya kasunod ng trahedya.