-- Advertisements --

Itinuturing ni P/LT. Gen. Camilo Cascolan na malaking hamon sa kanya na pamunuan ang police organization ngayong pinakakrusyal na panahon dahil sa COVID-19 pandemic.

Ginawa ni Gen. Cascolan ang pahayag sa kanyang talumpati sa turnover ceremony kung saan siya pormal na umupo bilang bagong PNP chief kapalit ni retired P/Gen. Archie Francisco Gamboa.

Sinabi ni Gen. Cascolan, ipagpapatuloy nito at pagbutihin pa ang mga programa at repormang nasimulan ng mga nauna sa kanya.

Ayon kay Gen. Cascolan, pagsisikapan nitong maibalik ang tiwala at respeto ng publiko sa police organization lalo hindi lingid ang kinakaharap nitong kontrobersya at mga isyung sumisira sa kanilang imahe.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Gen. Cascolan na kahit dalawang buwan lamang ang kanyang panunungkulan, marami pa rin itong magagawa lalo hindi naman siya bago sa trabaho bilang pulis.

Inamin din ni Cascolan na hindi sila personal na magkakilala ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya labis siyang nagpapasalamat sa ibinigay na “trust and confidence” at nakita ang kanyang sariling track record.

“I will endeavor to lead our Team PNP that promotes the aspirations of every Filipino for a nation that is peaceful, secure, free of illegal-drugs and corruption, and progressive because it has a police service that is highly-capable, effective, and credible,” ani Gen. Cascolan.