Reading Time: 1 minute

KORONADAL CITY – Pinaghihinay-hinay pa rin ng ilang kritiko ang mga lider ng US at South Korea sa pakikipag-ayos sa binansagang hermit country na North Korea.

Napag-alaman na naging makasaysayan at kontrobersyal ang pagkikita nina US President Donald Trump at North Korean leader Kim Jung Un sa Korean Demilitarized Zone bilang bahagi ng pagpapakita ng goodwill ng Amerika sa Hilagang Korea.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Girlie Simpao Yoon, Overseas Filipino Worker sa Seoul na nakapag-asawa sa South Korea, kahit marami aniya ang natuwa sa pagsilbing tulay ni South Korean President Moon Jae-in kay Trump sa North Korea, mas marami ang nangangamba sa kahihinatnan ng pakikipagkaibigan ng dalawang lider kay Kim.

Posible raw kasing magamit ng North Korea ang pakikipagkaibigan sa US at South Korea upang unti-unting masakop at maagaw ang South.

Dagdag pa ni Yoon na gahamang lider pa rin ang paningin ng karamihan sa mga South Korean sa North Korean leader.

Nagbabala rin ang ilang mga kritiko ni South Korean Pres. Moon na posibleng magamit ang pakikipagsabwatan nito sa North Korea upang mapaalis ito sa puwesto.