-- Advertisements --

Naantala ang paghahanap sa mga biktima na pinaniniwalaang natabunan ng landslide sa Davao de Oro dahil sa tumamang lindol.

Hindi muna ipinagpatuloy ng mahigit 30 minuto ang rescue efforts hangga’t wala pang sinyales ng posibleng secondary landslide na maaring makalagay sa buhay ng mga rescuer sa panganib.

Kaugnay nito, biniberipika pa kung may mga nasugatan o pinsala sa tumamang magnitude 5.8 na lindol sa Mindanao region dakong 11:22 am kayat ipinag-utos sa mga rescuer na itigil muna ang paghahanap sa minahan ng ginto sa may barangay Masara at lumikas sa mas ligtas na lugar.

Ang episentro ng lindol ay 150 kilometers sa hilaga ng landslide site.

Una rito, daan-daang mga rescuer ang naghahanap ng hindi bababa sa 77 katao na nananatiling nawawala at pinaniniwalaang nabaon sa ilalim ng mga gumuhong lupa.

Kaugnay nito, nakatakdang gumamit ang mga rescuer ng mga espesyal na kagamitan, ayon kay Brigadier-General Ronnie Babac.

Kabilang dito ang mga thermal scanner na maaaring makakita ng mga palatandaang buhay pa ang mga biktima sa landslide pati na rin ang mga special snake camera na kilala rin bilang mga borescope na idinisenyo upang sumilip sa mga nmasisikip na espasyo.