Nakatakdang mag-isyu ng isang memorandum ang DepEd, DILG at DBM para sa pagbabawal ng paggamit ng mga paaralan bilang Covid-19 isolation at quarantine facilities.
Ito ay bilang paghahanda sa nalalapit na balik-eskwela ng mga mag-aaral para sa school year 2022-2023.
Ayon kay Department of Education Spokesperson Michael Poa, pinaplantsa na ang naturang memorandum at kasalukuyan na itong isinasapinal.
Hindi naman tinukoy ng DepEd official kung kailan ilalabas ang naturang memorandum.
Saad ni Poa na nasa dalawang paaralan na lamang ang kasalukuyang ginagamot bilang covid-19 quarantine facilities habang ang iba naman ay mga house isolation tents.
Kung kayat kanilang hinihikayat ang local government units na i-pull out o alisin na ang lahat ng isolation tents.
Inihayag din ni Poa na sa naturang memorandum malilimitahan din ang paggamit ng mga paaralan bilang evacuation centers sa loob ng tatlong linggo.
Sa latest na data mula sa DepEd, nasa 21.2 million mag-aaral na ang nakapag-enrol para sa school year 2022-2023 na nakatakdang magsimula sa araw ng Lunes, August 22.