Itinuturing ng Malacañang na magandang ideya ang paggamit ng mga frequencies ng ABS-CBN sa pinaghahandaang blended learning ng Department of Education (DepEd) para sa pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Magugunitang matapos hindi mabigyan ng bagong prangkisa ang TV network, iminungkahi ni Deputy Speaker Luis Raymund Villafuerte ang paggamit ng TV at radio frequencies ng network para sa education system ng bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang usaping ito ay dedesisyunan pa nina Education Sec. Leonor Briones at Commission on Higher Education (CHED) Chairman Popoy De Vera.
Sa kasalukuyan, puspusan na ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan para sa muling pagbubukas ng klase kabilang dito ang halimbawa ni Sec. Briones ang ginawa nilang simulation ng blended learning system sa iba’t ibang grade level sa Navotas City kung saan naging matagumpay umano ito.