-- Advertisements --

Posibleng maging face-to-face na ang pagdiriwang ng Dinagyang Festival sa 2023.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na plano ng Iloilo Festivals Foundation, Inc. (IFFI) na gawing in-person ang activities sa naturang religious at cultural event.

Ayon pa sa alkalde, bumabalik sa normal ang lungsod ng Iloilo dahil unti-unti na ang pag-resume ng face-to-face classes at balik trabaho na rin ang mga tao.

Napag-alamang dalawang taon nang naging digital ang Dinagyang o isinagawa lamang sa pamamagitan ng virtual platform dahil sa Covid-19 pandemic.

Pre-recorded o pre-taped ang halos lahat ng mga aktibidad pati na ang performances ng mga tribu.

Kinilala rin ang Digital Dinagyang bilang best tourism practice sa Pilipinas sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Noong 2021, iginawad ng Association of Tourism Officers of the Philippines Inc. (ATOP) ang karangalan sa Dinagyang Digital bilang Grand Winner ng kanilang Pearl Awards.