ILOILO CITY – Pinaghahandaan na ng Iloilo City at Iloilo Provincial Government ang pagdating ng 41 na Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Iloilo bukas, Mayo 9.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na mayroon nang koordinasyon sa pagitan ng National Inter-Agency Task Force, Overseas Workers Welfare Administration, Regional Inter-Agency Task Force at Local Government Units.

Ayon kay Treñas, nakahanda na rin ang quarantine facility, hygiene kits, pagkain at tubig para sa mga Overseas Filipino Workers na galing sa Metro Manila lulan ng barko.

Kahit na isinailalim na sa Polymerase Chain Reaction test ang repatriates, kailangan silang isailalim ulit sa PCR test pagdating sa Iloilo.

Para naman sa mga OFW sa residente ng lalawigan ng Iloilo, kaagad silang dadalhin sa quarantine facility na inihanda ng bawat LGUs.