-- Advertisements --
image 280

Nagbabala ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa publiko na maging maingat laban sa kahina-hinalang offshore gaming operators na nag-aalok ng trabaho sa pamamagitan ng dating at messaging applications.

Sa inilabas na advisory sinabi ng PAGCOR na inaakit umano ang mga biktima sa pamamagitan ng pag-aalok ng trabaho na kadalasang naghahanap ng prospective Customer Service Representative na may karanasan sa cryptocurrency trading na may mataas na sweldo at nakakapang-engganyong mga benepisyo at kalaunan ay gagamitin lamang pala ang mga ito sa mga aktibidad ng scam.

Ayon sa PAGCOR, ang mga online dating services at cryptocurrency investments ay hindi bahagi ng mga offshore gaming licensees at service provider nito.

Sinabi din ng state-run gaming at regulatory firm na sinisiyasat nito ang mga ulat ng mga offshore gaming job na inaalok ng unscrupulous groups sa mga Pilipino at dayuhan.

Kaugnay nito hinihimok ng PAGCOR ang publiko na mag-ulat ng impormasyon kaugnay sa mga hindi awtorisadong aktibidad sa kanilang hotline 0927-809-8610 o mag-email sa info@pagcor.ph.

Kung maaalala, nauna nang sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na ginagamit ng mga human trafficker ang Philippine offshore gaming operators (POGOs) bilang legal cover para magsagawa ng mga cryptocurrency scam sa bansa