BAGUIO CITY – Bineberipika na ng mga otoridad ang isang anggulo sa pagbaril-patay sa dating kapitan ng Barangay Bañacao sa Bangued, Abra kahapon.
Nakilala itong si Robert “Bobby” Buenafe Millare, 39-anyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Col. Afredo Dangani, direktor ng Abra Police Provincial Office, sinabi niyang natutulog ang biktima at apat na kasama nito sa kiosko sa likuran ng bahay nito.
Gayunman, nagising na lamang sila dahil maingay at doon na nila nahalata ang mga baril na nakatutuk sa kanilang ulo.
Aniya, hindi nakaimik ang mga kasama ng biktima dahil binantaan ng mga suspek ang mga ito.
Pwersado aniyang kinidnap ng mga armadong kalalakihan ang biktima at matapos lamang ng ilang minuto ay nakarinig ang mga kasama ng biktima ng sunud-sunog na putok ng baril.
Agad nagpasaklolo sa pulisya ang mga kasama ng biktima at sa kanilang pagresponde ay natagpuan nila ang duguang katawan ng biktima sa gilid ng Abra River, halos 500 metro mula sa lokasyon ng kiosko.
Narekober sa crime scene ang dalawang bala ng caliber 45, apat na basyo ng bala ng caliber 45 at tatlong basyo ng bala ng caliber 5.56mm.
Dagdag ni Police Col. Dangani na biniberipika na nila ang pahayag ng mga kasama ng biktima na narinig ng mga itong ipinahayag ng mga suspek na posibleng magreresulta sa pagtuklas sa motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek.