Hindi umano biglaang desisyon ang pag-withdraw ng prosekusyon sa tatlo sa apat na articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Manila 3rd District Representative at House prosecutor Joel Chua.
Paliwanag ni Chua, matagal nang pinag-aaralan ng prosecution team ang iba’t ibang posibleng estratehiya, kabilang ang pagbabawas ng mga testigo o pag-alis ng ilang artikulo depende sa lakas ng mga ebidensiyang naihaharap sa impeachment court.
Noong Oktubre 13, iniurong ng prosekusyon ang Articles I, III at IV, kaya Article II na lamang na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth ni Duterte ang natitirang haharapin ng bise presidente. Ayon kay Chua, patuloy nilang sinusuri ang presentasyon ng ebidensiya at inaangkop ang bilang ng mga testigo habang umuusad ang paglilitis.
Samantala, sinabi ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan na naging bahagi rin ng konsiderasyon ang feedback mula sa kanilang focus groups. Ayon sa kaniya, nahihirapan na umano ang ilang tagasubaybay sa dami ng dokumentong pinansiyal at teknikal na palitan sa pagdinig.
Kabilang sa mga ebidensiyang iniharap sa Article II ang mga rekord mula sa mga bangko, Anti-Money Laundering Council, Bureau of Internal Revenue, insurance companies at mga korporasyon. Sinabi ng prosekusyon na nais nitong ituon ang paglilitis sa natitirang artikulo, na itinuturing nitong sapat na batayan upang ituloy ang kaso laban kay Duterte.













