Pinalawig pa ng pamahalaan ang ban o pagbabawal sa pagpasok sa Pilipinas ng mga foreing nationals hanggang sa katapusan nang buwan ng Abril.

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, ang naturang travel ban, na ipinatupad noong Marso 22, ay nakatakda sanang matapos sa Abril 21.

Pero inaprubahan na aniya ngayon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang extension ng temporary suspension sa pagpasok ng mga foreign nationals hanggang Abril 30, 2021.

Pero papayagan namang makapasok ang mga foreign nationals na may valid entry exemption documents na ibinibigay ng DFA bago pa man sumapit ang Marso 22, 2021.

Kabilang sa mga excempted ay ang mga diplomats, miyembro ng international organizations at kanilang dependents, foreigners na involved sa medical repatriation, foreign seafarers sa ilalim ng green lane programs para sa crew change, foreign spouses o mga anak ng mga Pilipinong papasok ng Pilipinas, at emergency o humanitarian cases.

Ayon sa Malacanang, lahat ng mga Pilipinong uuwi ng Pilipinas ay pinapayagan namang makapasok ng bansa.

Nauna nang nilimatahan ng Civil Aeronautics Board ang passenger arrivals sa international airport sa Manila sa maximum na 1,500 kada araw hanggang Abril 19.