DAGUPAN CITY-Nakatakdang magdagdag ng puwersa na magbabantay sa Tondaligan Beach park dito sa lungsod ng Dagupan.

Ito ang ginawang pagtitiyak ni Todaligan Beach Park Administrator Jhun Cadiz, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kaugnay narin ng Yuletide season at naitalang pagkalunod ng ilang college student dito sa lungsod.

Paglilinaw ni Cadiz, bagamat hindi sa Tondaligan Beach nangyari ang trahedya, target nilang humiling ng karagdagang puwersa sa lahat ng mga maaring makapagbigay ng seguridad sa karagatan dahil narin sa inaasahang pagdagsa ng mga bisita ngayong Holiday season.

Bukod dito ay ibabalik din aniya ang mga boya na anim na metro ang layo mula sa shoreline na magsisilbing babala sa mga nais na magswimming sa karagatan.