LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Philippine Army ang ilang grupong nakapasok sa Bicol na naglalayong makapag-recruit ng mga mag-aaral upang lumahok sa rebeldeng grupo at posibleng masadlak sa armadong pakikibaka.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 9th Division Public Affairs Office (DPAO) chief Major Ricky Aguilar ng Philippine Army na ayon sa kanilang intelligence team, ilang mag-aaral umano ang nagpaabot ng pangamba sa ilang grupo na pumapasok sa eskwelahan sa ganitong pakay.

Subalit nilinaw ni Aguilar na mababa pa rin ang bilang ng mga estudyanteng sumasama sa grupo kung ihahambing sa ibang lugar.

Inihalimbawa pa nito ang isang rebel returnee na dati umanong estudyante hanggang sa mahikayat ng grupo kaya’t ilang taon ring nahirapan sa kabundukan hanggang sa magbalik-loob sa pamahalaan.

Umapela rin si Aguilar sa mga estudyante na tutukan ang pag-aaral at iwasan ang mga grupong posibleng maglagay sa buhay ng mga ito sa alanganin.