Ipinapakita lamang ng pagbaba ng bilang ng mga pamilyang Pilipino na kinukonsidera ang kanilang sarili bilang mahirap na mayroong progress na nakikita sa unti-unting pagbubukas ulit ng pamahalaan ng ekonomiya ng bansa sa harap ng COVID-19 pandemic.
Sa isang statement, kinilala ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles ag resulta ng Social Weather Stations poll kamakailan, kung saan natukoy na 45 percent ng mga pamilyang Pilipino ang kinukonsidera ang kanilang sarili bilang mahirap noong Setyembre.
Ang numero na ito ay bahagyang mas mababa kung ikukumpara naman sa 48 percent na naitala noong Hunyo.
Sinabi ni Nograles na nagpapasalamat ang pamahalaan sa pribadong sektor at sa taumbayan mismo sa kanilang ambag para muling buhayin ang ekonomiya upang sa gayon ay makabalik na rin sa mga ginagawang hakbang para mabawasan ang problema sa kahirapan.
Ayon kay Nograles, sa pamamagitan nang paglalagay ng Metro Manila sa ilalim ng Alert Level 2 ay mapapalakas ang ekonomiya ng P3.6 billion at ang employment ng 16,000 kada linggo.
Nakasaad sa SWS poll na isinagawa mula Setyembre 12 hanggang 16 na 34 percent ng mga pamilya ang nagsabi na sila ay nasa boderline ng pagiging mahirap habang 21 percent naman ang nagsabi na hindi sila mahirap.