Tinalakay ang pagbibigay ng temporary license para sa mga nursing graduate sa naging pagpupulong ng mga opisyal ng Professional Regulation Commission (PRC), Board of Nursing at Department of Health (DOH).
Ito matapos na umani ng batikos mula sa health community ang plano ni Health Secretary Ted Herbosa na mag-isyu ng temporary license para sa mga nursing grads na hindi pumasa sa Nursing Licensure Examination o nakakuha ng markang 70% hanggang 74%.
Ayon sa DOH chief, kapwa nagpahayag ng suporta ang PRC Commissioners at Board of Nursing sa paghahanap ng legal na paraan para maresolba ang problema ng manpower sa industriya ng kalusugan.
Sa katunayan, nagbigay ng suhestiyon ang mga ito kung paano reresolbahin ang problema sa pangingibang bansa ng mga Pilipinong nurse.
Una rito, sinabi ng PRC na wala pang probisyon sa ngayon sa ilalim ng Philippine Nursing Act of 2002 na legal na magpapahintulot sa pag-isyu ng temporary license para sa nursing graduates na bumagsak sa board exam.
Umalma naman ang Philippine Nurses Association at Filipino Nurses United sa panukala ng DOH at sa halip ay iginiit na dapat na pagtuunan na lamang ng pansin ang pag-hire ng mga rehistradong nurses gayong nasa 120,000 pa ang kasalukuyang hindi nagtratrabao sa mismong field ng nursing.