Malaki umanong hamon sa Philippine National Police (PNP) ang pag-aresto sa Cebu-based businessman na si Peter Lim, matapos maglabas ng warrant of arrest ang korte.

Aminado si PNP chief PDGen. Oscar Albayalde hirap silang maaresto ang umano’y big time drug lord.

Una na umano dito, napakayaman ni Lim at kaya nitong magtago kung saan saan, maliban pa rito ang pagiging malawak ng koneksiyon nito.

Pero siniguro ni Albayalde na hindi magtatagal ang pagtatago ni Lim dahil kanila din itong maaaresto sa tulong ng mga sibilyan.

Inihayag ng opisyal na wala silang ulat na ito ay nakalabas na ng bansa lalo na ang napabalitang ito ay naaresto sa bahagi ng Mindanao.

Sinabi ni PNP chief na nakatutok ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group sa pag-aresto kay Lim kung saan gumagalaw na ang mga tracker team.