Nakatakdang isapinal ang komprehensibong pag-aaral sa posibleng taas sahod para sa mga empleyado ng gobyerno sa unang kalahati ng 2024 ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Ang naturang inisyatibo na pinangunahan ng Department of Budget and Mangement at Governance Commission for GOCCs ay layuning matiyak na magkaroon ng competitive at patas na kompensasyon ang government workers na nakahanay sa commitment ng administrasyon para sa matatag at future-ready na civil service.
Sinabi din ng kalihim na batid nito ang tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa na nagbibigay diin sa pangangailangang repasuhin ang kasalukuyang sahod ng mga empleyado ng gobyerno.
Ito aniya ang dahilan kung bakit nakipag-ugnayan ang DBM at Government Commission for GOCCs sa isang consultancy firm ngayong taon upang magsagawa ng Compensation and Benefits Study sa public sector na may layuning magtakda ng competitive, financially sustainable at equitable compensation package para sa mga empleyado ng gobyerno.
Sa naturang pag-aaral, sisiyasatin ang iba’t ibang aspeto ng kasalukuyang compensation system kabilang ang mga sahod, benepisyo at allowances para matukoy ang dapat na pagibayuhin pa.
Ang magiging resulta ng pag-aaral ay magsisilbing basehan para gumawa ng kaukulang pagbabago sa Total Compensation Framework (TCF) ng civilian government personnel para masiguro ang patas at napapanahong salary adjustment para sa mga empleyado ng gobyerno.
Ang pondo naman na gagamitin para sa compensation adjustment ay kukunin mula sa available appropriations sa ilalim ng Fiscal year 2024 General Aprropriations at sa mga susunod na taunang appropriations.