pacquiao buboy fernandez
Pacquiao and Fernandez in training

GENERAL SANTOS CITY – Tila hindi na makapaghintay si eight-division world champion Sen. Manny Pacquiao hindi pa man pormal na nagsisimula ang kaniyang training camp, ngayong naka-schedule na ang kaniyang susunod na laban kay Keith Thurman sa July 20.

Nitong Miyerlukes, kahit na hindi pa kasama sina Coach Buboy Fernandez at Hall of Famer coach Freddie Roach ay sinumulan na ni Pacman ang pagsasanay sa kaniyang Wild Card Gym sa lungsod ng GenSan.

Una nang sinabi ng Fighting Senator na pagkatapos mismo ng halalan ay kaagad na sasabak sa training.

Sa Maynila umano gagawin ang kaniyang training camp dahil sa nagpapatuloy na trabaho sa Senado.

Sa katunayan, sa Huwebes ay lilipad na pabalik ng Maynila si Pacquiao para pormal nang simulan ang training camp.

Nabatid na ngayong araw ay kaarawan ng kaniyang inang si Mommy Dionesia.

Nitong tanghali ay nag-alay ng misa si Mommy D para sa kaniyang birthday kasama ang boyfriend na si Michael Yamson at ilang mga kaanak.

Wala muna umanong bonggang party lalo pa’t kalalabas lamang nito ng ospital matapos ma-confine ng ilang araw.

Magkakaroon lamang umano sila ng maliit na salu-salo kasama ang kaniyang mga kaanak.