Reading Time: 1 minute

Tinawag ng Commission on Audit (COA) ang pansin ng 14 na opisyal ng Department of Justice (DOJ) na labis umanong gumastos sa travel expenses ng kagawaran.

Batay sa 2018 audit report ng COA sa DOJ, lumabas na halos P6.20-milyon ang nagastos ng naturang mga opisyal mula sa halos P8-milyong budget ng ahensya para sa mga biyahe.

Kabilang daw sa mga bansang pinuntahan ng 14 na opisyal ang Singapore, Nepal, Australia, Thailand at New Zealand.

Sa paghihimay ng COA, nabatid ng P5.5-milyon mula sa naturang gastos ang binayad sa biyahe ng representatives ng iba’t-ibang conference at summit ng United Nations at ASEAN.

Pero may higit P750,000 daw na halaga ng travel expense ang kulang ng supporting documents.

Bukod dito, bumili rin daw ang DOJ ng P1-milyong halaga ng plane tickets sa iba’t-ibang travel agencies at hindi sinunod ang Government Fares Agreement.

“The audit team noted that there were 14 DOJ officials/employees who were frequently in attendance to various or multiple foreign meetings/fora/dialogues ranging from two to 12 times during the audit year 2018.”

Kaugnay nito dumepensa ang Justice department at sinabing hindi “unnecessary expenditures” ang biyahe ng kanilang mga delegado dahil obligasyon daw ng Pilipinas na dumalo sa mga ito bilang ASEAN member at iba pang kasunduan.

Lahat din umano ng mga ito ay dumaan sa approval ni Justice Sec. Menardo Guevarra.