Nasabat ng mga awtoridad ang nasa tinatayang P50 million halaga ng ipinuslit na produktong pang-agrikultura at karne sa dalawang iligal na cold storage facilities sa Tondo, Maynila.
Nagresulta ito sa isinagawang raid o pagsalakay ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa naturang pasilidad kung saan inaresto ang 15 suspek kabilang ang isang Chinese national na siyang may-ari umano ng pasilidad na iligal na nag-ooperate.
Ayon kay NCRPO Regional Director Police Major General Edgar Allan Okubo, nakatanggap sila ng letter of authority mula sa Bureau of Customs upang kumpiskahin ang nasabing mga produkto na hindi aniya ligtas para sa pagkonsumo ng publiko dahil hindi dumaan sa pagsusuri ng Food and Drugs Administration.
Malaki din ang lugi ng local farmers kung nagkataon dahil hindi ito dumaan sa tamang proseso at walang permits.
Nadiskubre mula sa cold storage facilities ang kahon-kahon na prutas at mga gulay mula sa China habang ang iba ay naglalaman ng imported na karneng manok mula sa US at imported na karneng baboy mula sa China.
Sa ngayon, iniimbestigahan na rin ng Bureau of Customs kung paano nakapasok sa bansa ang mga smuggled na produkto at nakatakdang sirain naman ang mga ito upang hindi na mabenta pa sa merkado.
Maaari namang managot ang Chinese national na may-ari ng cold storage facility sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.