CEBU CITY – Aabot sa 46 na mga drug personalities ang huli sa one-time, big-time operation na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Talisay City PNP at Cebu Provincial Police Office (CPPO) sa Brgy. Tabunok, Brgy. San Roque at Brgy. Tangke sa lungsod ng Talisay nitong Sabado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay PCol. Roderick Mariano, director ng CPPO, 17 sa mga nahuli ay mga high-value target.

Tinatayang nasa 800 gramo ang timbang ng mga nakumpiskang shabu at may halagang nasa P5-milyon.

Ayon kay Mariano, mayroon na silang inisyal na impormasyong nakuha mula sa mga naaresto kung saan galing ang mga shabu at ito ngayon ang kanilang iniimbestigahan.

Itinuturing naman ni Mariano na “good thing” ang sunod-sunod na operasyon na kanilang isinagawa kahit pa man tila hindi nauubos ang shabu dahil tumutulong na umano ang komunidad.

Giit nito na hindi na umano natatakot ang publiko ngayong na mag-report sa kanila, bagay na inaasahan ng opisyal na magpapatuloy.