Iginiit ng Department of Labor and Empoyment (DOLE) na tuluy na tuloy ang pagpapatupad ng dagdag na sahod na P40 sa National Capital Region sa Hulyo 16 sa kabila pa ng mga apela ng labor groups.
Ayon sa ahensiya, inaasahan na tatalima sa pagpapatupad ng bagong minimum wage ang mga employer sa rehiyon.
Dahil sa P40 na dagdag sahod, ang minimum wage na sa NCR ay tataas na sa P610 kada araw mula sa kasalukuyang P570 para sa non-agricultural workers.
Habang para naman sa sektor ng agrikultura at maliliit na negosyo na mayroong 15 empleyado o mas mababa pa maging ang manufacturing firms na mayroong mas mababa sa 10 manggagawa ay tataas ang minimum daily wage sa P573 mula sa kasalukuyang P533.
Ayon pa sa DOLE, inasahang mabebenipisyuhan sa bagong dagdag sahod ang nasa 1.1 million minimum wage earners sa NCR.
Una rito, ilang mga labor group ang bumatikos sa P40 na dagdag sahod at inihayag na hindi pa ito sapat para makabangon mula sa epekto ng inflation at tumataas na presyo ng mga blihin kayat umaapela ang mga ito ng mas mataas pa na dagdag sahod.
Ang National Wages and Productivity Commission naman ang siyang magpapasya sa mga apelang ito sa loob ng 60 calendar days mula sa filing date.
Naghain na rin ng petisyon ang ilang labor groups sa iba’t ibang mga rehiyon sa bansa.