-- Advertisements --

Kinukulang ng pondo ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa hotel quarantine accommodation ng mga umuuwing overseas Filipino workers sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng House committee on appropriations sa 2022 proposed budget ng DOLE, sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na kailangan nila ng karagdagang P4.2 billion matapos tanungin ni Iloilo City Rep. Julienne Baronda ukol dito.

Ang pondong ito ay gagamitin aniya para sa hotel quarantine accommodation ng mga repatriated OFWs hanggang sa katapusan ng Disyembre ng taong kasalukuyan.

Ayon kay Cacdac, Mayo nang sumulat si Labor Secretary Silvestre Bello III kay dating Budget Secretary Wendel Avisado para humingi ng P5.2 billion, na ipinagkaloob din naman ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang supplemental budget.

Pero hindi rin ito sapat para sa buong taon kaya naman sumulat ulit si Bello kay Avisado noong Hulyo para humingi ng karagdagang P7.5 billion subalit P3.3 billion lamang ang inilabas na pondo ng Department of Budget and Management.

-- Advertisement --

Ang P3.3 billion na ito ay sapat lamang hanggang sa huling linggo ng Oktubre, ayon kay Cacdac.

Iginiit ng opisyal na kailangan nila ng karagdagang pondo sapagkat inaasahan nila na mas maraming OFWs ang uuwi sa kapaskuhan ngayong taon kumpara noong 2020.

Sang-ayon dito si Baronda at iginiit na dapat mapagbigyan ang DOLE sa hiiningi nitong karagdagang pondo.