Arestado ang dalawang drug personalities sa isinagawang buy-bust operations ng mga otoridad nitong Huwebes sa bahagi ng Sitio Tenorio, Brgy. Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Kinilala ni 6th Infantry Division (ID) Commander BGen. Cirilito Sobejana ang dalawang naarestong drug personalities na sina Ramin Depatuan at Khen Kaliang.

Sa tulong ng pinagsanib na puwersa ng 90th Infantry Battalion (IB), 5th Special Forces Battalion, Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, Philippine Drug Enforcement Agency-Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-ARMM), nakuha sa posisyon ng dalawa ang nasa 500 grams na hinihinalaang shabu na may total street value na P3.5 million.

Narekober din sa dalawa ang isang unit Suzuki Raider motorcycle, cellular phones, at P100,000 marked money.

Siniguro naman ni 603rd Brigade Commander BGen. Jesus Sarsagat ang kanilang suporta at koordinasyon sa ibang ahensiya ng pamahalaan sa kampanya laban sa iligal na droga.

Kasalukuyang nakakulong na ngayon sa PDEA-ARMM custodial facility ang dalawang suspek habang hinahanda ang pagsasampa ng kaso.