-- Advertisements --
bigas

Target ng pamahalaan na magbigay ng P2-billion na tulong para sa mga rice retailer na mawawalan ng kita bilang resulta ng limitasyon sa presyo o price cap sa bigas ayon kay House Speaker Martin Romualdez.

Ipinaabot na aniya ng House of Representatives sa pamamagitan ng House Appropriations Committee Chairperson Zaldy Co ng Ako-Bicol party-list ito sa Department of Budget and Management para humanap ng pagkukunang pondo para sa P2B at mapabilis ang pagpapalabas nito.

Sinabi din ng House Speaker na makikipagpulong siya sa mga lider ng rice retailers sa buong bansa ngayong linggo kaugnay sa posibleng pagkalugi ng mga ito mula sa ipapatupad simula ngayong araw na price ceiling.

Tiniyak din ng House Speaker na committed ang pamahalaan na suportahan ang mga maapektuhang retailers ng Executive Order 39 na ibinaba ni PBBM na nagtatakda ng price cap na P41 kada kilo para sa regular milled rice at P45 para sa well-milled rice.

Ginawa ng pamahalaan ang naturang hakbang para mapigilan ang lalo pang pagsipa ng presyo ng bigas sa lokal na merkado dulot ng kakulangan sa suplay dahil sa epekto na rin ng extreme weather gaya ng pananalasa ng nagdaang mga bagyo.