CEBU CITY – Patay ang isang lalaki at kanyang live-in partner habang nakatakas naman ang isa sa mga kasama nito sa isinagawang buy bust operation ng Provincial Intelligence Branch (PIB) sa Sitio Mananga, lungsod ng Talisay, Cebu.

Kinilala ang subject na si Alex Cuyugan 35, habang ang kinakasama nito ay si Johanna May Delar, 37.

Ang isa namang kasama nito na nakatakas ay natukoy sa pangalang Jaylord.

Ayon kay S/Insp. Alejandro Batobalonos, hepe ng PIB, marami na silang report na natatanggap tungkol sa subject na sa naturang area umano ito nagdi-dispose ng shabu at palagi pang nagpapaputok.

Agad na nagsagawa ng operasyon ang PIB nang makumpirma ang tinitirhan ng suspek.

Ngunit tila nakatunog umano ang subject na pulis ang kanyang katransaksyon kaya bumunot ito ng baril at pinutukan ang mga pulis.

Naghabulan pa ang subject at ang mga operatiba ng PIB , at pumasok pa umano si Cuyugan sa isang bahay kung saan may tatlong taong gulang na bata kasama ang kuya nito na nanonood ng TV.

Dahil sa palitan ng putok, natamaan ang kuya ng bata na si Risty Abellana, 24, ngunit masuwerte namang naitulak nito ang kapatid palabas ng bahay na nailigtas naman ng mga pulis.

Dead on the spot si Cuyugan, habang idineklara naman dead on arrival si Delar.

Kasalukuyan naman inaasikaso ng mga doktor si Abellana, habang patuloy ang paghahanap kay Jaylord.

Nakuha mula sa crime scene ang isang .45-caliber pistol, 400 grams ng umano’y shabu at may Dangeroud Drugs Board value na P2.7-milyon.