Kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) na aabot sa P13 billion na pondo ang kanilang ipapamahagi na tulong pinansyal sa mga manggagawa na apektado ng coronavirus pandemic.

Ayon kay Labor Undersecretary Joji Aragon paghati-hatian ang nasabing pondo galing sa Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2).

Ang P5 billion ay para sa one-time assistance sa 993,000 displaced workers sa formal sector; P6 billion para sa emergency employment sa 863,000 informal sector workers; at P2 billion sa 200,000 repatriated migrant workers.

Dagdaga pa ni Aragon, baka nitong linggo o sa susunod na linggo maibibigay na sa iba’t ibang probinsya ng kanilang ahensya ang nasabing pondo.

Ang Bayanihan 2 ay ang ikalawang pang-emergency na hakbang ng COVID-19 ng Pilipinas na nagpapahintulot sa gobyerno na gumastos ng P140 bilyon upang matulungan ang mga sektor na apektado ng pandemya.

Nagtakda rin ang batas ng P25 bilyon na mga standby na pondo kung kailangan ng gobyerno ng mas maraming pera upang matustusan ang mga proyekto na nauugnay sa COVID-19.

Kung maalala, ang pandemya ay nag-iwan ng 3.3 milyong mga Pilipino na walang trabaho.

Mas kaunti ito sa pagtantiya ng Philippine Statistics Authority ng 4.6 milyong mga walang trabaho na mga Pilipino hanggang Hulyo.

Nilinaw naman ni Aragon na ang mga manggagawa na nakatanggap ng ayuda mula sa Bayanihan 1 ay hindi na maaaring makatanggap pa ng ayuda sa Bayanihan 2.