CAUAYAN CITY – Madagdagan na ang minimum wage ng mga manggagawang nasa private sector sa Region 2.

Ito’y matapos maglabas ng bagong wage order ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-Region 2.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Board Secretary Heidelwina Tarrosa ng RTWPB-Region 2, sinabi niya na simula sa March 16 ay P10 na ang dagdag na minimum wage ng mga nasa non-agriculture sector.

Nangangahulugan ito na mula sa P360, magiging P370 na ito.

Sa agriculture sector naman, dagdag na P5 kaya mula sa P340 ay magiging P345 na ito.

Gayunman, hindi aniya ito mararamdaman ng mga manggagawang nasa sektor ng agrikultura dahil karamihan sa kanila ay nababayaran sa tinatawag na pakyawan.

Ayon pa kay Tarrosa, sa mga nasa retail/service establishment na hindi hihigit sa 10 ang empleyado, may P25 na dagdag kaya mula sa P320 ay magiging P345 na ito subalit ito ay maidadagdag sa dalawang “tranche.”

Sa unang tranche, ibibigay ang unang P12.50 at ito ay isasabay din sa March 16 habang ang natitirang P12.50 na siyang pangalawang tranche ay idadagdag sa July 1 ngayong taon.

Samantala, sa mga kasambahay naman ay madadagdagn ng P500 kaya mula sa dating P3,500 ay magiging P4,000 na ito.

Subalit ayon kay Tarrosa, ito ay floor wage lamang dahil puwede ring mag-demand ang kasambahay ng dagdag sa kanyang sahod.