CAGAYAN DE ORO CITY – Naaresto ang itinuring ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 10 (PDEA-10) na malaking suspected drug suppliers ng iligal na droga sa sa ilang bahagi ng Northern Mindanao partikular sa Cagayan de Oro City.

Kasunod ito ng isinagawa ng mga operatiba ng PDEA na magkakahiwalay na anti-illegal drugs operations laban kina Ibrahim Pala-o na taga-Barangay Macabalan, Randy Aringo alyas Kid-Kid at Jefferson Vallejos na parehong nakatira sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni PDEA Regional Director Wilkins Villanueva na unang naaresto sina Aringo at Vallejos habang nakikipag-transaction sa kanyang mga tauhan sa Barangay Iponan ng lungsod kagabi.

Inihayag ni Villanueva na nakumpiska mula sa mga suspek ang nasa 70 gramo ng suspected shabu na mayroong street value na mahigit P400,000.

Dagdag ng opisyal na napaamin nila ang mga suspek kung sino ang source nito kayat natunton din ang lokasyon ni Pala-o sa parehong na lugar.

Narekober sa posisyon ni Pala-o ang mahigit P700,000 na halaga ng shabu.

Maliban sa mahigit P1 milyon halaga ng shabu na nakumpiska ng mga otoridad mula sa mga suspek, nakuha rin ang pera na ginamit bilang mga marked money sa operasyon.

Kakasuhan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya sa Cagayan de Oro ngayong araw.