Aabot na raw sa higit 118,000 overseas Filipino workers ang naihatid pauwi ng Overseas Workers Welfare Administration(OWWA) mula nang pumutok ang COVID-19 pandemic.

Sa isang panayam sinabi ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac, na nakatanggap ng tig-P10,000 financial assistance ang tinatayang 230,000 sa nasabing total. Ito ay sa pamamagitan ng una at ikalawang tranche ng DOLE-AKAP assistance program.

Pina-plantsa na lang daw ngayon ng ahensya ang pamamahagi ng dagdag pang tulong pinansyal sa ilalim ng ikatlong tranche ng programa.

Nilinaw ni Cacdac na maaari pa rin naman bumalik ng ibang bansa para magtrabaho ang mga umuwing OFW depende sa sitwasyon.

Sa huling tala ng OWWA, mula May 15 nasa 118,221 OFWs na ang nakauwi sa kani-kanilang mga probinsya. Wala pang 2-percent sa mga ito ang positibo sa sakit.

Samantala, nasa 192 labi rin ng OFWs na namatay sa sakit ang naihatid na rin pauwi ng ahensya.

Ang pamilya ng mga active OWWA members ay nakatanggap daw ng iba’t-ibang benepisyo tulad ng gastos sa libing, pangkabuhayan at scholarship sa mga anak. May dagdag pa raw P10,000 na cash benefit sa naulilang pamilya.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs, nasa 9,556 confirmed cases na ng COVID-19 ang naitala mula sa mga Pinoy na nasa ibang bansa. 5,572 na sa kanila ang gumaling, pero 671 na ang namatay.

Sinabi rin ng OWWA chief na siyam mula sa kanilang personnel ang nag-positibo sa COVID-19.