BACOLOD CITY – Dahil hindi nagpautang ng alak, pinatay ng dalawang kustomer ang may-ari ng tindahan sa Talisay City, Negros Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lt. Rey Cordero, hepe ng Talisay City Police Station, dakong alas-8:00 ng gabi pumunta sa tindahan ng isang Evelyn Tamayo sa Hacienda Vista 1, Barangay Matab-ang, ang mga suspek na sina Robert Calezo at Jason Abella at humirit na dagdagan ang kanilang utang na alak.

Gayunman, tumanggi ang 50-anyos na biktima na pautangin ang dalawa dahil wala na umanong naiwang stock.

Nagkasagutan ang mga ito hanggang nagalit ang mga suspek at agad nilang pinasok ang tindahan at pinagsasaksak ang biktima.

Nasaksihan pa ng anak na babae ng biktima ang krimen.

Napuruhan sa kanyang balikat at leeg ang namatay na ginang.

Mabilis na tumakas ang mga suspek ngunit sumuko rin sa Talisay City Police Station kahapon.

Sa ngayon, inihahanda na ng mga pulis ang kasong isasampa laban sa mga ito.