Kumambyo ang sinibak na House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) chair at Mindoro Rep. Salvador Leachon hinggil sa umuugong na coup d’etat laban kay Speaker Alan Peter Cayetano.

Sa isang panayam, sinabi ni Leachon na ngayon lamang niyang napagtanto na sadyang mayroon talagang plano para patalsikin si Cayetano bilang lider ng Kamara.

Ayon kay Leachon, ang sinasabing ouster plot na ito ay bahagi lamang ng plano para hindi matupad ang term-sharing agreement sa pagitan nina Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, na inayos mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Base sa naturang kasunduan, uupo si Cayetano bilang lider ng Kamara sa loob ng 15 mula sa simula ng 18th Congress.

Papalitan naman siya ni Velasco, na uupo sa puwesto sa loob ng 21 buwan.

Pero dahil nagpahayag na ang dalawang partido na kanilang gagalangin ang term-sharing agreement, sinabi ni Leachon na marapat lamang na huwag nang pansinin pa ang sinasabing ouster plot.

Nauna nang pinaratangan ni Cayetano si Velasco bilang nasa likod nang pagpapatalsik sa kanya matapos na alukin umano ang 20 kongresista ng posisyon at budget allocations para sa kanilang distrito.