Iminungkahi ni dating MMDA chairman at kasalukuyang Marikina Rep. Bayani Fernando na buhayin ang organized bus route system para maresolba ang matinding problema sa trapiko sa Metro Manila.

Naniniwala si Fernando na sa pamamagitan ng sistemang ito, na kanyang sinimulan noong nasa MMDA pa siya, ay ang solusyon pa rin para ma-decongest ang trapiko sa EDSA.

Iginiit ni Fernando na napabayaan na ang sistemang ito dahil marami na aniyang mga lugar kung saan halos hindi na makita ang yellow lane.

Ilang kongresista na ang nagmungkahi ng kanikanilang mga nakikitang solusyon para maresolba ang problema sa trapiko sa EDSA.

Para kay Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, dapat dawing express bus lanes ang innermost lanes ng EDSA na maaring ma-access sa mga istasyon ng Metro Rail Transit (MRT) 3.

Isinusulong naman ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na ipagbawal ang mga pribadong sasakyan na dumaan sa EDSA tuwing rush hours sa umaga at gabi.

Para kay Fernando, ang mga suhestiyon na ito ay maaring subukan sa MMDA simulation system, na nabili noong siya ay chairman pa ng ahensya.

Dito aniya makikita kung ano ang mangyayari sa trapiko kapag ipapatupad ang naturang mga suhestiyon.