-- Advertisements --

Nanawagan si Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat sa pamahalaan na taasan ng lagpas sa 10 percent ang operational capacity para sa dine-in ng mga Department of Tourism (DOT)-accredited hotels at iba pang restaurants sa National Capital Region gayong lumalawak ang coverage ng COVID-19 vaccination sa rehiyon.

Ginawa ni Puyat ang panawagan na ito ngayong araw ng Huwebes, Setyembre 30, na inaasahang huling araw ng implementasyon ng COVID-19 Alert Level 4 status sa Metro Manila, kung saan 10 percent lamang ang operational capacity na pinapayagan sa indoor dining, na eksklusibo lang din para sa mga fully-vaccinated nang customers.

Gayunman, aminado ang kalihim na ang pagluluwag ng restrictions sa indoor dining ay kakaunti lamang din ang maitutulong gayong required pa rin ang pagkakaroon ng negative RT-PCR COVID-19 tests para sa mga tourist destinations sa labas ng Metro Manila.

Sa ngayon, nagkakahalaga ng nasa P3,000 ang RT-PCR test, pero sinasagot ng DOT ang malaking bahagi nito dahlan kaya P750 lang ang singil sa bawat qualified tourists.