CAUAYAN CITY – Suspendido muna ang operasyon ng mga Huey helicopters ng Tactical Operations Group 2 (TOG-2), Philippine Air Force (PAF) hanggat matapos ang imbestigasyon sa nangyaring helicopter crash noong gabi ng Huwebes na ikinasawi ng apat.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Col. Augusto Padua, commander ng TOG-2, sinabi niyang kinansela niya muna ang kanilang mga aktibidad kahapon para sa isinasagawang imbestigasyon at nang malaman ang totoong nangyari at para hindi na ito maulit.
Bukod dito ay suspendido rin muna ang operasyon ng kanilang mga huey helicopters.
Ayon kay Col. Padua, naideliver ang mga naturang helicopter noong 2014 hanggang 2015 kasama ng modernization program ng PAF.
Ito aniya ang mga helicopter na marami ng ginawa dahil ito ang kanilang ginagamit sa mga relief operation, paglalaglag ng leaflets, nagsusuporta sa mga sundalo at marines at sinasakyan nila kapag kailangan ng aerial flights lalo na kapag may sakuna tulad ng bagyo at pagbaha.
Sa kabila nito ay tiniyak ng opisyal na tuloy pa rin ang kanilang night vision goggles proficiency training at suspendido lamang ito ngayon subalit magpapatuloy din pagkatapos ng imbestigasyon.
Samantala, pinasalamatan ni Col. Padua ang lahat ng mga nakidalamhati sa nangyari sa kanilang mga kasamahan.
Aniya, labis silang nalulungkot subalit bahagi ito ng kanilang trabaho kaya wala silang magagawa kundi tanggapin gayundin na kailangan nilang maging malakas para sa taong bayan.
Ayon kay Col. Padua, ang mga namatay ay deployed pilots o seasoned pilots na umiikot sa buong Pilipinas.
Matagal na sila sa TOG2 lalo na ng nagkaroon ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.