-- Advertisements --

Hinimok ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda ang pamahalaan na gumamit ng opensiba para mapalakas ang economic confidence sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Iginiit ni Salceda na dapat nasa opensiba ang pamahalaan at hindi lamang basta sa depensa pagdating sa pagsindi ng ekonomiya ng bansa.

Dapat aniya may nabubuo at naipapasok na bagong industriya at investments, bagong trabaho at oportunidad, bagong pagkukuhanan ng kita, at bagong hakbang para mapalakas ang market confidence.

Hindi aniya matatalo ang COVID-19, o ang epektong idinulot nito sa ekonomiya, kung patuloy lamang aniyang nasa depensa ang pamahalaan.

Ayon sa kongresista, nagawa na rin naman ng pamahalaan ang makakaya nito para maiwasan ang lubusang paglala ng pandemiya makaraang magpatupad ng lockdown.

Pero panahon na aniya sa ngayon na labanan naman ang pagbulusok ng ekonomiya kasunod nang pagluwag sa quarantine protocols.

“We cannot defeat the economic recession by trying to stop change. It will happen,” ani Salceda.