CAUAYAN CITY – Sinampahan na ng kaso sa Prosecutor’s Office ang isang online seller na naaresto sa entrapment operation na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Department of Trade and Industry.

Ang inaresto at kinasuan ng paglabag sa Republic Act 7581 o Price Act ay si Michael Bravo, 27-anyos na residente ng Marabulig I, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Lt. Col. Arturo Marcelino, pinuno ng CIDG-Isabela, na nakatanggap sila ng ulat hinggil sa pagbebenta ng suspek ng overpriced o mas mataas sa karaniwang presyo na face mask at alcohol kaya nakipag-transaksiyon sila sa kanya at isinagawa ang entrapment operation.

Nakuha sa pag-iingat ni Bravo ang isang bungkos ng boodle money na may P200 marked money.

Nakumpiska rin sa pag-iingat ni Bravo ang 31 piraso ng ethyl alcohol na nakalagay sa plastic na bote at ibinebenta sa halagang P300 at 30 piraso ng face mask na ibinebenta ng P150 bawat piraso.

Sinabi ni Lt. Col. Marcelino na inamin ni Bravo na may pinagkukunan siya ng mga in demand na produkto na ibinebenta niya online at ito ay inaalam na ng CIDG.