William Dar DA
Agriculture Secretary William Dar

VIGAN CITY – Mahigpit umanong ipapatupad sa Department of Agriculture (DA) ang “one strike policy” para sa mga opisyal at empleyado ng ahensya na masasangkot sa iligal na droga, maging sa kurapsyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na isa umano ito sa mga marching order sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte nang manumpa ito sa Malacañang bilang kapalit ni dating Agriculture Sec. Manny Piñol na naitalaga bilang tagapamahala ng Mindanao Development Authority (MinDa).

Ayon kay Dar, alam naman umano ng karamihan na galit si Pangulong Duterte sa iligal na droga at katiwalian kaya sinabihan nito ang kanyang mga kasamahan sa ahensya na iwasang masangkot sa mga ito nang sa gayon ay wala silang problemahin.

Mainam umano na tutukan na lamang nila ang kanilang trabaho sa DA upang maibigay sa publiko ang tapat na serbisyong dapat ay maibigay sa kanila.

Una nang sinabi ng opisyal na ang pangunahing layunin ng ahensya ay masigurong food secured ang bansa habang umuunlad ang sektor ng agrikultura.