-- Advertisements --
ombudsman

Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsibak kay Mexico, Pampanga Mayor Teddy Tumang at iba pang mga opisyal kaugnay sa umano’y pagbili ng construction materials mula 2009 hanggang 2010 na hindi naman natanggap ng mga recipient barangays.

Sa naging desisyon ni Graft Investigation and Prosecution Officer Carlo Evangelista na may petsang Nobyembre 21, 2022, nadiskubreng may pananagutang administratibo ang mga opisyal para sa grave misconduct.

Sa nasabi ding desisyon, ipinag-utos ang pagtanggal ng retirement benefits at habambuhay na diskwalipikasyon mula sa posisyon sa gobyerno sina Mayor Tumang, Municipal Engineer Jesus Punzalan, Administrative Officer Luz Bondoc, at Municipal Accountant Perlita Lagman.

Ang Field Investigation Bureau Luzon ng Office of the Ombudsman ang complainant laban sa mga municipal officials na pinaburan ang pribadong contractor na Buyu Trading and Construction.

Subalit sa joint counter-affidavit, itinanggi ng mga respondent ang alegasyon at iginiit na naibigay sa mga barangay ang nasabing materyales.

Sa hiwalay na resolusyon, ipinag-utos rin ng Ombudsman ang paghahain ng kabuuang 64 bilang ng paglabag sa Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kay Mayor Tumang, Punzalan, Bondoc, gayundin sa iba pang public respondents na sina Marlon Maniacup, Lucila Agento, Romeo Razon, at private respondent na si William Colis.

Binasahan din ng sakdal ang mga ito sa 7 bilang ng malversation sa ilalim ng Article 217 ng Revised Penal Code.