-- Advertisements --

Bumangga sa isang poste sa South Luzon Expressway (Slex) ang isang oil tanker na may kargang coconut oil na nagdulot ng oil spill at traffic sa mga motorista.

Nangyari ang insidente dakong alas-7 ng umaga sa kahabaan ng entry ramp ng Magallanes Skyway.

Binabagtas noon ng oil tanker na may plate number UKS170 sa southbound lane ng expressway nang bumangga ito sa isang poste sa Skyway ground level na nagdulot ng pagkalat ng langis sa parehong lane.

Sumemplang naman ang ilang mga motorsiklo, bago pa man makarating ng Skyway ground (SB) matapos madulas sa coconut oil mula sa naaksidenteng tanker truck.

Dahil dito, pinayuhan ng mga tauhan ng Skyway ang publiko sa magiging lagay ng trapiko sa parehong northbound at southbound sa Magallanes area.

Hindi naman isinara sa mga motorista ang lugar ng insidente ngunit naranasan ang mabagal na usad ng mga sasakyan.

Matapos ang insidente, agad namang nagsagawa ng road clearing operations sa pinangyarihan ng aksidente sa magkabilang kalsada ng South Super Highway sa Pasay city para maiwasan ang aksidente sa lugar.