-- Advertisements --

Biniberipika na ng Office of Civil Defense (OCD) ang 5 indibidwal na napaulat na nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Aghon.

Ayon kay OCD spokesperson Director Edgar Posadas, 4 sa mga napaulat na nasawi ay mula sa
Calabarzon (Region 4A) at ang 1 naman ay sa Northern Mindanao (Region 10).

Posibleng namatay ang mga biktima sa pagkalunod o maaaring nabagsakan ng mga puno o debris.

Ayon naman sa Philippine National Police, 3 sa mga nasawi ay mula sa Quezon province na isa sa mga probinsiya na matinding sinalanta ng bagyo.

Kabilang ang isang lalaki na napaulat na nasawi matapos mabagsakan ng puno ng acacia sa may bayan ng San Antonio, ang 7 buwang sanggol na natagpuan ang labi malapit sa baybayin sa bayan ng Pagbilao at 14 anyos na lalaki na tinamaan ng bumagsak na puno sa Lucena city.

Wala pang detalye kaugnay sa 2 pang napaulat na nasawi.

Samantala, nauna ng iniulat ng OCD na mayroon ding 7 indibidwal ang nasugatan dahil sa bagyong Aghon sa Bicol (Region 5).

May kabuuang 19,373 indibidwal ang naapektuhan ng bagyo sa Calabarzon (Region 4A), Mimaropa (Region 4B), Bicol, at Eastern Visayas (Region 8).

Sa kabuuan, 2,162 indibidwal ang nananatili sa mga evacuation center.

Samantala, tiniyak ng pamahalaan na may sapat na relief supplies para sa lahat ng indibidwal na apektado ng bagyo.