Target ng pamahalaan na mabakunahan ang limang milyon na tourism workers kontra COVID-19 bago matapos ang taon, ayon sa National Task Force Against COVID-19.
Aabot sa 20,000 doses kada linggo para sa mga tourism workers ang inaprubahang alokasyon ni NTF Chief Implementer and Vaccine Czar Carlito Galvez Jr.
Sakop sa weekly allocations na ito ang mga empleyado sa mga hotel at resort, pati na rin sa mga restaurants, airports, at iyong mga nasa informal economy na may negosyo sa mga tourist destinations.
Ayon kay Galvez, nang tumama ang COVID-19 sa Pilipinas, ang tourism sector ang pinakatinamaan.
Para makabangon ang tourism industry at ligtas na makapagbukas ang ekonomiya, kailangan aniya na makapagbakuna ng maraming mga tourism workers.
Samantala, plano ng gobyerno na mapalakas ang vaccination program para sa tourism workers sa mga rehiyon, lalo na sa Cebu kung saan 50 percent ang nabakunahan na, at 99 percent ang inaasahan namang maturukan ng COVID-19 bago mag-Pasko.
Sa 27 million confirmed vaccine doses na nakatakdang dumating sa bansa, 20 million ang nakalaan para sa mga rehiyon.