(Update) Binabawi sa ngayon ng National Task Force (NTF) Against Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang nauna nilang anunsyo na ipinagbabawal na ang pagtanggap ng mga inbound flights mula Hong Kong sa harap ng banta ng Omicron variant.
Sa isang statement, nilinaw ng NTF na hinihintay pa nila ang pormal na anunsyo mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases base na rin sa magiging final recommendation naman ng Technical Working Group on COVID-19 variants at iba pang ahensya ng pamahalaan.
“The NTF wishes to clarify that the inclusion of Hong Kong Flights as part of inbound international flights temporarily suspended due to the emergence of the Omicron variant is not yet final,” bahagi ng pahayag ng NTF.
Ang pamahalaan anila ay nakaantabay sa magiging rekomendasyon ng Department of Health (DOH) para matiyak ang agarang pagpapatupad ng mga preemptive measures at maiwasan o ma-delay ang pagpasok ng mga bagong variants ng COVID-19 na maaring makaapekto ng husto sa public health.
Hanggang sa wala pang nailalabas na formal announcement ang IATF, tuloy pa rin ang pagpapapasok ng mga flight mula Hong Kong.
Humihingi naman sila ng pasensya sa kalituhan ng kanilang naunang naging pahayag ukol dito.
Nauna nang ipinagbawal ng pamahalaan ang pagtanggap ng mga inbound flights mula South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini at Mozambique dahil sa banta ng nasabing bagong variant ng COVID-19.
Sa ngayon, ang Hong kong ay mayroon nang naitatalang local case ng “heavily mutated” Omicron variant ayon sa DOH.